Para sa’yo,
Kumusta? Maaring natatandaan mo pa ako o sadyang sa tagal na ng panahon na tayo’y hindi nagsama ay nalimutan mo na kung sino ako. Alam kong masaya ka na ngayon kasama ang mga bago mong kaibigan. Ako? Heto, nandito pa rin sa kung saan mo ako huling iniwan. Hindi naman ako umalis dahil nagbabakasakali akong babalikan mo ‘ko. Hindi ko na rin alam kung gaano katagal na akong naghintay: oras, araw, buwan, taon – hindi ko na maalala.
Kaibigan, sa panahon na hindi mo ako binalikan nandito lang ako sa kuwartong madilim, napakadilim. Nagsisiksikan kami ng mga katulad ko dito, ang iba’y sadyang sumuko na at tuluyan ng lumisan. Pero ako, hindi ako nagsawang naghintay para sa’yo. Naniniwala pa rin akong balang araw ay pupuntahan mo ako at ilalabas sa kwartong ito. Isang tanong lang ang sadyang tumatakbo sa aking isipan: kailan?
Naaala ko pa ang una nating pagkikita sa isang aklatan, malaki ang iyong ngiti nang ako’y iyong lapitan. Naririnig ko pa rin ang boses mo nang binanggit mo sa akin ang iyong pangalan upang magpakilala. Maging sa ibang tao’y binabanggit mo ako, at aaminin kong hindi rin masukat ang aking kaligayahan.
Subalit isang araw, isang banyaga ang pinakilala sa’yo ng iyong mga magulang. Alam kong masaya ka, alam kong walang sisidlan ang iyong tuwa. Alam ko dahil nakita ko iyon noong una nating pagkikita.
Siguro maghihintay na naman ako ng marami pang taon bago mo ako muling mapansin. Ang nais ko lamang ay makasama kang muli. Kaibigan, natatandaan mo na ba ako? Natatandaan mo na ba ang mga pinagsamahan natin? Umaasa ako na balang araw ay ako’y iyong balikan. Balikan dito sa madilim na kuwartong ito. Kuwartong nakasaksi ng iyong paglisan. Paglisan mo sa akin na naging sanhi ng aking paghihintay. Paghihintay sa’yo na hindi ko alam kong may patutunguhan ba.
Umaasa,
Aklat